Sunday, November 29, 2009

FILIPINO MAJOR??!!! (VeMiCe's OpiNiOn)

Ang bilis ng panahon. Noong nakaraang linggo lang sembreak namin. Dalawang araw na lang pasukan na naman. Second semester na. Panibagong yugto na naman sa buhay ko bilang isang estudyanteng nagpapakadalubhasa sa aking kurso. tatlong semestre na lang, matatapos na ako ng aking pag-aaral. Ano kayang mangyayari sa akin pagkatapos ng apat na taong pag-aaral ko? Ano kaya ang kinabukasang naghihintay sa isang taong katulad ko?

Ako ay nagpapakadalubhasa sa isang asignaturang ni hindi ko alam kung tatangkilikin o patuloy na tatangkilikin ng mga kabataang tuturuan ko. May mga nagsasabi: "Filipino lang yan!" napakababa ng kanilang tingin sa ating wika di tulad ng Ingles na kulang na lang ay sambahin ng mga Pilipinong maka-ingles. Nakakalungkot isipin na ang ating "Pambansang Wika" ay tinatalikuran ng mga taong nagmamay-ari rito. Isang patunay na sa ating bansa't bandila'y umiiral ang mga ganitong sistema--isang sistema na patuloy at unti-unting papatay sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

Hindi ako anti-Ingles o anuman. Sa ganang akin lang, bago ang iba'y sa atin muna. Nakakatawang isipin na marami sa ating Pilipino ay hindi nakakaalam na ang ating pambansang wika ay Filipino. Marami sa mga taong nakakausap ko at napapanood ko sa mga TV shows ang nagsasabi ng ganito: " Ano ang Tagalog ng __________", may narinig ako sa isang stand-up comedian tungkol sa kung ano raw ang ating pambansang wika. Ika niya, ang pambansa raw nating wika ay TAGLISH--isang nakakatawang pahayag ngunit kung susuriin nang mabuti nagpapakita ng negatibong implikasyon. Bakit sa simpleng mga bagay lamang na tumatalakay sa ating PAGKA-PILIPINO, nahuhuli tayo, samantalang alam natin ang mga latest sa lahat ng larangan? mapa-gadget, sport, fashion, o anupaman, alam natin ngunit ang mga simpleng bagay tulad nito, inosente tayo.

Sa patuloy nating pagmimithi ng isang maunlad na ekonomiya't bansa, handa pala tayong magkompromiso kahit ang sarili nating identidad bilang mga Pilipino, pati ang ating wika'y maaari nating talikuran para sa ingles na daluyan ng globalisasyon at pag-unlad. Hindi ako hadlang sa ideolohiyang globalisasyon. Positibo ang aking pananaw ukol dito, ngunit hindi ba't nararapat lamang na bago natin yakapin ang mga GLOBAL na prinsipyo ng ibang bansa'y yakapin muna natin ang ating LOCAL na mga prinsipyo? Maaari naman siguro tayong maging global ngunit local ang pag-iisip hindi ba? Ang kasaguta'y laging nakabatay sa atin bilang mga mamamayan.


Filipino Major?! Anong kinabukasan ang naghihintay sa akin bilang isang guro sa hinaharap? Guro ako ng isang asignaturang patuloy na nakararanas ng diskriminasyon sa ilang mga taong nag-aakalang di na dapat itong pag-aralan. Masaya at taas-noo kong ipinagmamalaking isa akong alagad ng ating wika. Ipinagmamalaki kong nagpapakadalubhasa ako sa Filipino. Isang karangalan para sa akin ang paglingkuran ang ating bayan sa pamamagitan ng aking pagtuturo at paghuhubog ng isipan ng mga kabataan.

Wala akong pinagsisisihan.

No comments:

Post a Comment